October 9, 2010

Abante Online | Ang Pasasalamat ni Noel Cabangon


Malayu-layo na rin talaga ang naabot ng Byahe. Mag-iisang taon na simula noong ito’y inilabas sa publiko. Marami-raming CDs na rin ang nabenta. At maging hanggang ngayon ay mayroon pang mga bumibili.

Napakasarap isipin na marami ang nagkagusto sa album na ginawa namin ng Universal Records. Ngunit hindi man lang sumagi sa aking isipan na ito’y magiging matagumpay na matagumpay. Siguro dahil nagmula ako sa altenatibo kung saan ang nasa isip lang ay masaya nang bumalik ang pinuhunan para lamang makalikha muli ng bagong album.

Pero iba ang naging pagtanggap ng mga tao sa Byahe. Nag-uumapaw ang suporta! Napakabuti ng panahon. Napakabuti ng pagkakataon. Napakabuti ng Dakilang Manlilikha.

Noong Abril tumanggap ang Byahe ng Gold Record award dahil sa natamo nitong sampung libong benta ng CD. At sa aking palagay sa ngayon kami ay umabot na sa platinum, na ang ibig sabihin ay doble ng gold ang benta. Isa itong magandang pangyayari sa gitna ng matinding piracy at lumalakas na digital downloading.

Noong Huwebes idinaos ng Philippine Association for Recording Industry (PARI) ang Ika-23 Awit Awards sa Mall of Asia. Sa kagandahang palad nakapag-uwi ng apat na karanglan ang Byahe. Ito’y ang Binibini -- bilang Best World Music Awards, Ang Buhay Nga Naman -- bilang Best Song Written for Movie/Stage Play Recording, Best Male Performer -- sa awiting Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko, at ang Album Of The Year. Ang dalawang huling binanggit ay mga major awards.

Talagang napakapalad ng album na Byahe. Kung kaya’t sa pagkakataong ito nais kong pasalamatan ang lahat ng mga taong tumulong para mabuo ang album na ito. Maraming salamat sa Universal Records sa iyong pagtitiwala na ialok sa akin ang proyektong ito. Kay Ito Rapadas na siyang nag-e-mail sa akin para tanungin kung ako’y interesadong gumawa ng album para sa kanila. Si Ito rin ang aking producer. Sa katunayan isinantabi ko ‘yung ginagawa kong album para lang tanggapin ang proyekto.

Kaya’t natuloy ang Byahe.

Sa bumubuo ng Universal Records sina Kathleen Go, Ramon Chuaying, Peter Chan, Elinor, Ellena, ang aking recording engineer si Willy Villa, at sa lahat-lahat ng staff ng UR.

Maraming salamat sa aking mga magulang na nagpalaki sa akin. Sa aking pamilya na patuloy ang kanilang suporta sa aking musika. Sa mga kaibigan na patuloy na nagbibigay ng lakas ng loob at naniniwala sa aking kakayahan sa sining. Sa mga kompositor na nagpahiram at ipinagkatiwala ang kanilang mga mahuhusay na likha. Kay Ian Tan na nahatak namin bigla para kunan ako ng litrato sa ilang magagandang tanawin sa Denmark. Gayundin sa mga kaibigan natin sa Geneva at Netherlands.

Maraming salamat sa musikerong nag-areglo at tumugtog para mapahusay ang tunog ng album. At higit sa lahat sa inyong lahat na tumangkilik at naniwala sa Byahe. Ibinabahagi ko sa inyo ang mga karangalang natamo ng album simula nang ito’y umarangkada sa byahe.

Malayu-layo na ang narating ng Byahe at patuloy pa rin ito sa pagtakbo. Utang namin sa inyong lahat ang tagumpay na aming natanggap. Isulong ang original Filipino music! Kasama n’yo lagi sa inyong paglalakbay. Sakay na sa Byahe!

Maraming, maraming salamat po.

Source:
http://abante.com.ph/issue/oct0210/op_nc.htm

No comments:

Post a Comment